...

...

Monday, April 18, 2016

Bayaning Pilipino Awards 2010

INDIVIDUAL CATEGORY


Dr. Welthy E. Villanueva (National Winner)
  • Roxas, Palawan
  • Region 4-B
Sa kabila ng kanyang stage 4 breast cancer, hindi nagpapigil si Dr. Winky na ipagpatuloy ang kanyang misyon sa mga kabundukan bilang isang manggagamot at sa kalaunan ay naging tagapagdala na din ng edukasyon para sa mga batang katutubo na salat sa karunungan.  Sa kanyang pakikitungo sa mga katutubo, isinuong niya ang kanyang sarili sa panganib maging sa mga nagaantabay na dagdag na karamdaman gaya ng pneumonia at malaria.  Subalit ang mga ito ay di naging balakid sa kanya.  Hindi rin nito nagawang igupo ang kanyang katawan na ipagpapatuloy ang nasimulan. 

Kasama ng ilang mga kakilala, umaakyat sila ng bundok at tumatawid ng 16-30 ilog marating lamang ang mga lilib na tribo ng Batak.  Sa una’y ang hangad lamang niya na maipaaabot ang medikal na serbisyo subalit nahabag ang kanyang puso sa lantarang panloloko sa mga katutubo ng mga taga-patag kung saan ang kanilang lupain ay naipagbibili sa mga ito kapalit ng isang radyo lamang.  Dito umusbong ang kanyang pagnanais na magdala ng mga boluntaryong guro upang maturuan ang mga bata ng basic education.  Sa una’y inakala nilang magiging maayos ang daloy ng klase sa mga bata subalit napuna nilang nahihirapang unawain ng mga ito ang leksiyon dala ng gutom.  Kaya naman sinabayan din niya ito ng feeding program katulong ang mga boluntaryong guro bago magsimula ang klase.

Sa di kalaunan, nabuo niya ang Heavens’ Eyes Tribal Missions na ang layunin ay makapagbigay ng edukasyon at maipamulat ang maayos na pamumuhay at kalusugan para sa komunidad ng mga katutubo sa Batak.  Nakikipag-ugnayan siya sa mga tribal communities, GOs at NGOs para maisakatuparan ang mga adhikain nito.  Ang ilan sa mga pondo ayon kay Dr. Winky ay kadalasan bigay lamang mula sa mga kaibigan at kakilala.  Mula sa programang ito, may ilan na din nakapagtapos ng sekondarya mula sa School of Tomorrow Accelerated Christian Education Curriculum nito.  Sa taong ito ay malapit na din mairehistro sa SEC ang Heavens’ Eyes Tribal Missions at si Dr. Winky ang tumatayong Administrator at Direktor.

Sumusuka at nanghihina ng labis si Dr. Winky mismo sa kuta ng mga katutubo subalit ni hindi ito naringgan ng ano man reklamo at bagkus ay patuloy pa din na nagserserbisyo.


Rex A. Bernardo (National Finalist)
  • Daet, Camarines Norte
  • Region 5
Hindi nakapagtapos ng elemetarya at sekondarya si Rex dala ng awa ng kanyang mga magulang na di niya makayanan ang hamon ng mundo sa labas ng kanilang tahanan.  Natuto siyang bumasa at sumulat sa pamamagitan ng butihin niyang Tiyahin na nagtiyaga sa kanyang magturo.  20 taon gulang na siya ng personal na magpasya na  makapag-aral at makipagsabayan sa lipunan.  Naipasa niya noon ang acceleration program para sa sekondarya at dagli dagling nakapagkolehiyo sa Trinity University.  Naging aktibo sa Unibersidad at nagawang isakatuparan ang kanyang mga adbokasiya na magkaroon ng tamang pasilidad para sa mga kapwa estudiyanteng may kapansanan kaakibat ang scholarship program na kanya din isinulong bilang project coordinator.

Nang magbalik sa Daet, Camarines Norte naging abala siya sa pangangasiwa ng mga samahang tumutugon sa pangangalaga at karapatan ng mga may kapansanan sa kanilang local government at maging sa simbahan.  Nagsasagawa siya ng mga advocacy seminars katulong ang mga taong buo ang pangangatawan para sa mga taong may kapansanan.  Masigasig din nakikipagtulungan bilang Couples for Christ member sa Gawad Kalinga Projects ng simbahan na kaagapay ang kanyang asawa na si Mariz.  At isa din Baranggay Mentor para sa mga baranggay na mabagal ang pagunlad na kung saan ay nagbibigay siya ng libreng pagsasanay sa mga tao dito upang maging matatag at makatayo sa sarili nilang kakayahan.  Kasabay nito ay ang alternative learning system (ALS) naman para sa mga out of school youth.  Ang programang ito sa mga barangay ay sinusuportahan ng Asian Institute of Management International Movement of Development Managers na kung saan ay aktibo siyang miyembro.

Sa kabila ng kanyang kapansanan kung saan ang mga paa, hita, binti at maging ang kanyang kanang kamay ay din a kapaki-pakinabang, nanatili siyang matatag na ang tanging sandata ay talino at buong pusong paglilingkod na walang hinahangad na anomang kapalit.


Beatriz Evangelista (National Finalist)
  • Cubao, Q.C.
  • NCR
  • Deceased
Ang determinasyon na makatulong, katapangan, pagmamahal, at pagunawa sa kapwa ay ang mga katangian na nakikita kay Gng. Beatriz Evangelista. Kilala siya ng mga ka-kosa bilang Tita Betty, siya ang tanging Ina ng City jail, nakikinig at tumatanggap sa kahinaan ng mga “inmates”. Balo na si Tita Betty at kahit wala siyang anak ay biniyayaan naman daw siya ng higit sa isang libong anak at ito ay ang mga natulungan niyang preso sa City Jail.

Nagbibigay si Tita Betty ng Value Formation sa bagong inmates.  Hangad nya dito ang maliwanagan at maibangon ang mga natuturuan nya sa sitwasyon na hinaharap ngayon. Maliban dito, siya din ang naging counselor, nanay at sandalan nila sa oras na bumabalik sa kanilang isipan ang hagupit ng kadiliman ng buhay-preso. Ang dalaw ni Tita Betty ang higit nilang pinahahalagahan, lalo na sa mga presong wala ng pamilyang nakakaalala.

Nagsasagawa siya ng mga kasanayan sa pamamagitan ng pangangalap ng donasyon s para sa mga pangangailangan sa loob ng kulungan.  Hindi inalintana ni Tita Betty ang mga hamon na hinaharap niya doon.  Tulad na lamang ng init at masangsang na amoy sa loob na pwedeng magdulot ng sakit, taas ng hagdanan na inaakyat niya halos araw-araw sa kabila ng kanyang edad at mga di inaasahang rayot sa loob.  Patuloy siya sa pagtulong dahil batid niyang makapagbigay siya ng liwanag at haplos ng kalinga ng isang ina sa mga presong itinakwil na ng lipunan.  Matapang at matiyaga siya sa mga hamong ito dahil ito ang nagiging daan ng mga preso upang marinig ang kanilang mga daing sa buhay.

Bago pa man siya nagawi sa City Jail, aktib na di siyang nakibahagi sa mga kababaihan ng Northern Luzon sa pamamagitan ng pakikiisa sa pagtatatag ng Women In Christ sa liblib na mga pook nito. 

Ang lubos na tiwala niya sa Diyos at positibong pananaw sa buhay na tumulong ng walang pag-aalinlangan para sa mga taong preso ang nagbigay daan na kilalanin siyang Ina dahil ang naihandog niya ay di lamang ang sarili kundi buong pusong paglilingkod.


Datu Mampinuhan Norberto Puasan (National Finalist)
  • Opol, Misamis Oriental
  • Region 10
Ang pagiging Datu ay hindi lang isang titulo na basta-basta lang ipinagkakaloob ng kahit sino.  Sa mga Tribong Higa-awnon sa Opol, Mismis Oriental, ito ay isang bansag na nakadikit sa isang pagkatao at kung anong uri siya; pananaw at ugali.

Ang pagiging “Datu Mampinuhan” ni Datu Norbeng ang nagpatanyag sa kanya kahit sa mga kalapit na mga katutubong Tribo. Si Datu Mampinuhan ay ang karapat-dapat sa pagtitiwala ng Kapwa Higa-awnon at mga hindi Lumad sa nasabing lugar.

Isa sa mga naging malaking hakbang na ginawa ni Datu Mampinuhan ay ang pag mapa ng kanilang Lupang Ninuno; ang Dulangan Unified Ancestral Domain Claim. Ang Ancestral Land o Lupang Ninuno, para sa mga Lumad ay nangangahulugan ng Buhay sa kasalukuyan at susunod na lahi ng mga Higa-awnon. Ipinagtibay ni Datu Manpinuhan sa pamamagitan ng tradisyonal na mga pagtitipon at ritwal ang pag angkin ng lupang ninuno sa tulong ng LGU at ahensya ng gobyerno.

Pinamunuan din ni Datu Mampinuhan ang pagbukas ng eskwela ng tribal traditional Knowledge o SIKAT, School for the Indigenous Knowledge and Tradition sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga ritwal at ang kahulugan nito, pagtuturo ng kanilang salita at mga oral traditions, mga sayaw at matandang kaugalian.

Sa kasalukuyan, kahit wala na ang dalawang paa, siya ay nagrerepresenta pa rin ng mga pagtitipon ng tribu kumunidad at sa lungsod man; nag sasagawa pa rin ng mga ritwal na akma sa mga pagtitipon ng tribu; naghuhusga pa rin ng mga mabibigat na kaso sa kututbong paraan; at tumatayo pa ring puno ng lupong tagapamayapa.

Si Datu Mampinuhan ay isang “shaman” o tribal-religious leader din. Siya ang nangunguna sa mga ritwal na pang espirtuwal sa mga pag titipon ng tribu. Siya ay naniniwala na ang Diyos ng kalikasan ng mga Kristiano at si Mambabaya (God-Provider) ng mga Higa-awnon ay iisa. 


Dr. Jose Antonio U. Socrates (National Finalist)
  • Puerto Princesa City, Palawan
  • Region 4-B
Si Doc Soc ay isang batikang DOG (doctor of medicine and geology). Lisensyado siyang magsilbi sa ibang bansa lalo na sa Europa pero mas pinili niyang mag-ikot sa mundo, magpakadalubhasa at maglikom muna ng pondo saka umuwi sa Pilipinas at magtayo ng sarili niyang foundation, ang Bahatala (Bahay Hawak Tayo Lakad)na pangunahing gumagamot sa mga may kapansanan sa buto.

Patuloy ang kanyang pananaliksik at pagpapayaman ng kaalaman, patuloy din ang kanyang panggagamot. Maliban dito malaki din ang kanyang tulong sa pamahalaan kung saan isa siya sa mga advisers ni Mayor Hagedorn ng Palawan sa usaping pangkalusugan at pang yamang kalikasan bilang isang doctor at geologist.

Siya ay isang malakas ng advocate ng tamang ethics para sa mga manggagamot at pinaglalaban niya unang una ang karapatan ng tao.

Tunay na kahanga-hanga at nakakamangha ang kanyang talino at likas na malasakit sa kapwa kahit walang hinihinging kapalit!




REGIONAL WINNERS
  1. Cesar C. Cantonjos (Deceased) - Brgy. San Jose, Antipolo City (Region 4-A)
  2. David Michael Padua - San Felipe, Naga City (Region 5)
  3. Mediatrix V. Villanueva - Daraga, Albay (Region 5)
  4. Dr. Anita Jesena, M.D. - Jaro, Iloilo City (Region 6)
  5. Datu Gilbert D. Maladia - Norala, South Cotabato (Region 12)
  6. Zenaida Sanchez Naga - Marawi City, Lanao Del Sur (ARMM)

YOUTH CATEGORY

Hamodi L. Tiboron (National Winner)
  • Sultan Kudarat, Maguindanao
  • ARMM
Nagsimula ang adhikain ni Hams ng sumali siya sa isang programa ng mga Muslim Youth sa Northern Illinois University, sa Estados Unidos; ang Philippine Youth  Leadership Program / Access to Community & Civic Enrichment for Students.

Kahit sa murang edad bilang isang student leader at Muslim Youth Leader, nababalanse ni Hamodi ang kanyang oras bilang isang estudyante at concerned Moro Youth sa kanyang lugar sa Sultan Kudarat. 

Ninanais niyang maipamalas ang isang ganap na pagkakilanlan ng Moro laban sa makalumang pananaw ng isang Moro; mga mang-mang, tampalasan at mga mababagsik. Dahil dito, si Hamodi Tiboron o “Hams” ay nag nagsusumikap buksan ang saradong bangbang o channels sa pagitan ng mga Moro at Non-Moro, lalong lalo na sa Gitnang Mindanao.

Bilang isang kabataan, naipamalas na niya ang angking kakayahan na makibahagi sa panlipunang usapin, lalong lalo na sa usaping pangkapayapaan sa Mindanao. Sa katunayan, kinikilala ng mga lokal na lider sa kanilang lugar ang kanyang mga munting pagsisikap.

Ang pangunahing layunin ng United Voices for Peace ay magbigay work-force sa mga relief operations sa mga evacuation centers; mag bigay ng “Alternative” peace education sa mga nasalanta ng digmaan o kalamidad lalo na ang mga bata; mag bigay suporta sa kanilang Madrasa o Islamic School; magbigay ng akmang kaalaman at edukasyon tungkol sa pagiging “good & practicing” na Muslim; at higit sa lahat, upang mag bigay daan ng isang tunay na Muslim-Christian Dialogue.


Ang Islam ay ay isang pananampalataya na nakauagat sa paniniwala  ng kapayapaan o Salema sa salitang Arabic. Ang Islam ay ang pagsuko sa kalooban ni Allah at pagtalima sa kanyang mga utos. Ayon kay Hamodi, ang mabuting Muslim ay hindi tampalasan at mabagsik, sa halip ito ay mapayapa at namumuhay alinsunod sa kagustuhan ni Allah. At ito ay kanyang ginagawa. 


Philbert C. Tungpalan (National Finalist)
  • Laoag City, Ilocos Norte
  • Region 1
Bilang Pangulo ng Organisasyon para sa mga Taong may Kapansanan sa kanilang lugar, ginagampanan ni Philbert Tungpalan ang kanyang mga responsibilidad higit pa sa inaasahan sa kanya.  Siya ang nag tiyagang mapatupad ang mga batas para sa mga taong may kapansanan upang mabigyan sila ng pantay na pagtrato.  Masipag siya sa paggawa ng mga proyektong pangkabuhayan para sa mga may kapansanan. Ang mga proyekto naipatupad niya ang nakakatulong para kumita din ang mga kasamahan niya. Ngunit si Philbert ay hindi lamang naka focus sa pag tulong sa mga may kapansanan kung di maging sa mga kabataan. Pinangunahan niya ang grupo ng mga kabataan sa Laoag na ang adbokasiya ay ang pagpapamulat sa mga ito sa larangan ng socio-political situation ng ating bansa.

Nagsagawa din siya ng feeding program para sa mga nangangailangan, at hinikayat  ang mga kabataan na makibahagi at tumulong na maipatupad ang proyektong ito. Bahagi nito ang pagpapamalas sa mga kabataan ng kahalagahan ng pagbabahagi ng sarili para sa kapakanan ng iba.

Para kay Philbert, ang kanyang kapansanan ay di hadlang upang higt na ibahagi sa iba.  At sa kabila ng mga pangungutya at hirap na binagtas sa buhay, nanatili siyang malakas at di sumuko kailanman. 


Wenceslao C. Arcuino, Jr. (National Finalist)
  • Ormoc City
  • Region 8
Si Ginoong Arcuino ay isang Arkitektong buo ang dedikasyon sa kanyang propesyon at taong may mabuting puso sapagkat sa kabila ng dami ng negatibong komento mula sa mga kasamahang Arkitekto ukolsa pagkakaloob niya ng libreng serbisyo para sa mga organisasyong walang kakayahang magbayad, hindi pa rin siya huminto sa pagtulong dito. 

Ginagalang siya ng mga empleyado ng EDC at buo ang tiwala sa kanya.  Ang pangtanggap niya sa proyekto ng pagdidisenyo ng technical school at iba pang proyekto ng EDC ng libre ay isang kabayanihang hindi madaling gawin ng sino man.  Malaki kung tutuusin ang pwede niyang kitain sa mga proyektong ito ngunit sa kagustuhan niyang makatulong din sa mga beneficiaries ng proyektong ito, tinanggap niya ito ng libre.  Tunay na kahanga-hanga ang kanyang ginawa sapagkat isinantabi niya ang personal niyang pangangailangan para sa kapakanan ng iba.  Bagamat hindi siya personal na tumutulong sa mga nakatakdang oras ng paggawa ng disenyo at pamumuno sa construction site, masaya pa rin siya dahil naging kabahagi siya nito.

 Ito ang nagisilbing umpisa ng daan na maibahagi ang kanyang talento sa mga nangangailangan.  Ilang lamang dito ay ang pagtulong niya sa mga mahihirap na hindi kayang magbayad ng Arkitekto para pumirma sa dokumento upang makapag-pakabit ng kuryente.  

Tunay na masipag at matiyaga si Ginoong Arcuino at higit sa lahat meron siya puso na matulungan ang kanyang komunidad.


Mark Aethen G. Agana (National Finalist)
  • Koronadal City, South Cotabato
  • Region 12
Masasabing si Mark ay isang “dynamic youth for a relevant change through academic excellence amidst poverty”. Naglaan siya ng panahon, gamit ang kanyang angking talento para sa mga mag-aaral na nagnanais makamit ang mithiing tagumpay sa Pamantasan at upang maka-angat rin sa buhay. Isa siya sa mga haligi ng outreach ng Pathways for Higher Education, at pioneer ng Tinalak Youth Group (TYG), an emulated group sprouting from Pathways ideals.  

Si Mark Agana ay nagpapakita ng magandang halimbawa bilang isang anak, mag-aaral at kabataan sa kanyang kumonidad.

Isa patunay sa kanyang integridad ang mga papuri at parangal na kanyang natangap sa kanyang komunidad, eskwelahan at pamayanan. Sa aking pananaw ang kanyang current volunteer work British Council ay isang malaking patunay rin sa kanyang senseridad sa pagiging volunteer sa loob at labas man ng bansa. 

Base sa mga salaysay, kung si Mark ay nagpapakita ng taos-pusong pag-ganap ng kanyang mga tungkulin, ang pagbibigay pag-asa sa mga kapwa mag-aaral sa kanilang academic duties ay maari din masasabi na ito ay nangangahulugan ding pag-asa at pagtitiwala sa Diyos, dahil siya ay nagtiwala sa kanyang kakayahan at kakayahan ng iba at kapwa kabataan. 


INSTITUTION CATEGORY

San Nicolas Ecological Association (National Winner)
  • Plaridel, Misamis Occidental
  • Region 10
Mula sa sariling pawis, sariling sikap at pag-aambagng kahit anong resources meron ang grupo, nag-punla ng halos pitumpong libong (70,000) binhi ng Bakhaw ang San Nicolas Ecological Association,Inc., mula pa noong 1993 hangang sa kasalukuyan.  Sila ay isang samahan na binubuo ng mga mahihirap at maliliit na mga mangingisda at magsasaka na nagbibigay serbisyo sa kanilang sariling kakayahan upang matugunan ang pang-ekonomiya at pang-kalikasang suliranin; ang pagkaubos ng Mangrove Forest at ang pagbaba ng mga huli ng mga lamang dagat. Sa kasalukuyan, ang Samahan ay umaani na sa kanilang pinaghirapan. At patuloy pa rin sa kanilang adbokasiya sa pag protekta ng natitirang Mangrove Forest, at dagdag pa nito, pinalakas pa nila ang kampanya sa pag promote ng “organic farming.” Sa tulong ng Social Action Center of Ozamis, bilang kanilang “linkaging institution” nag bibigay sila ng seminar on Organic Farming method, pati na rin ang pag gawa ng organic fertilizer; solid and liquid. 

Mula sa kanilang kakarampot na kita, huli at ani, sa pangingisda at pagsasaka, naitaguyod nila noon ang kanilang samahan sa paraan ng bayanihan. Sa mga panahong nagsisimula pa lang sila, iba ang tingin ng karamihan sa kanilang ginagawa, subalit kalaunan sila ay hinahangaan at dahil dito dumami ang kanilang nahikayat. 

Sa kasalukuyan, dumadami na ang nagtatanim ng Bakhaw, gaya nila,  sa mga kalapit na lugar, subalit ang iba ay di nag tatagal dahil ang habol lang ay ang pondo at perang kapalit sa pag tatanim.

Ang Samahan ng SNEA, Inc. ay mayroon nang higit sa isang daang mga meyembro at tumutulong na rin kahit sa ibang lugar upang I promote ang kanilang bagong adbokasiya ng Organic farming. 


Brgy. 15 Senior Citizens Association of Laoag City (National Finalist)
  • Laoag City
  • Region 1
Marahil maraming mga organisasyon ng Senior Citizens sa ibat-ibang bahagi ng bansa, subalit kaunti lang ang makikita mong aktibo at masigasig.  Kilala ang Brgy 15 Senior Citizens Association of Laoag City hindi lamang sa kanilang barangay kung di maging sa buong Laoag. Aktibo sila sa pagsali sa mga proyekto ng lokal na Gobyerno. 

Bilang isang samahan ng mga matatanda, makikita mo pa din sa kanila ang lakas at determinasyon na makatulong sa kapwa. Ang pagka-katatag ng matibay nilang samahan ay di lamang tumutugon sa mga myembro nito kung di maging sa mga kapitbahay, kamag-anak o kung sa sino man na nangangailangan ng kanilang tulong.

Maliban sa pinansiyal na suporta sa mga miyembro, tumutugon din sila sa emosyonal na aspeto ng kapwa senior citizen na nakaratay sa banig ng karamdaman at sa pamilya nito.  Kaakibat din nito ang pagkakaroon nila ng Prayer service upang manatili ang kanilang lakas ng loob.

Ang “old age” o pagiging matanda sa pagkakaloob nila ng serbisyo ay hindi balakid bagkus motibasyon upang higit na maabot ang mga tulad nila na  nangangailangan ng suporta at kalinga.


Calapan Labor Service Dev't. Cooperative-CALSEDECO (National Finalist)
  • Calapan City, Oriental Mindoro
  • Region 4-B
Kilala ang CALSEDECO bilang isang nag iisa at pangunahing port workers cooperative sa buong Calapan, maliban dito kilala din ang kanilang malaking naitulong hindi lamang sa pagsaayos ng serbisyo sa port area kundi pati na din ang pagsaayos ng mga buhay buhay ng mga miyembro nito pati na din sa buong sakop sa komunidad.

Medyo madugo at makulay ang naging pinagdaanan nila mula sa pagiging isang magulo at nagkawatak watak na grupo ng mga kargador sa pier hanggang sa naging isang maliit na katipunan ng mga ito hanggang sa kasalukuyang isang maunlad at maayos na kooperatiba. Naging layunin na nila sa simula ang maisaayos ang kanilang pagkakasama at paggawa para sa mas maayos na kita at hanapbuhay sa lahat.

Maswerte ang bayan ng Calapan sa kanilang presensya at masugid na pagkilos para sa ikauunlad ng kanilang mga buhay at ng mamamayan.

No comments: